Sir Tipiko

Sir Tipiko

Share

Taga-lista

13/10/2022

TUGMAAN ng Tradisyunal na Tula

Ano ang tugma?

Ang tugma ay ang pagkakapareho o pagkakatulad ng tunog ng huling pantig ng salita sa mga taludtod ng saknong ng tula.

Ngunit ang pagbubuo rito minsan ay nakakalito dahil maraming isinasaalang-alang na dapat ilagay sa tuntunin lalo na dito sa SSTT na halos lahat yata ay natatalakay.

Sa paglipas ng araw-araw ay lalo itong nagiging magulo na inaamin kong kahit ako minsan ay naguguluhan din.

Kaya narito ang mga tugmaan na magiging pamantayan na ating susundin at gagamitin dito sa SSTT. Maaring mali ito sa labas ng SSTT kaya nasa sa inyo ang pagpapasya pero base sa karanasan ko tama at dapat ang mga ito.

{
1. Basic Rhyme Scheme

Ang Basic Rhyme Scheme ay sinasaklaw ang lahat ng tugmaan na alam na natin. Kayâ naman wala ring tinitiyak na tugmaan na gagamitin kung ito lang ang inilagay sa tuntunin. Ito rin minsan ang dahilan kayâ iba-iba ang lumalabas na pag-uunawa ng bawat isa sa pagkikilatis nito. Suriin ang mga sumusunod na halimbawa sa ibabâ.

AAAA
Patinig Katinig
A Am
À Ám
Á Am
 Ám

ABAB o AABB
Patinig
Na Nô
Mâ No
Ná Mô
Mà Mó

Katinig
Ák Ál
As Al
Ak Ang
Ás Áng

ABAB CDCD EFEF GHGH
Ák Ál Ag À
As Áng Át E
Ak Al Ág Á
Ás Ang At È

AAAA BBBB CCCC DDDD
Ák Ád At À
Ak Ád Át Â
Ak Ad Át Á
Ák Ad At À

Note 1: Sa mga nasabing halimbawa, kung Rhyme Scheme lang at walang sinabing gumamit ng tiyak na tugmaan sa tuntunin ay ligtas ninyong gawin ang mga ito. Hindi ito masasaklaw ng tuntunin ng mga tugmaang Ganap, Malakas, Mahina, Tuldik/Diin at Impit.

Note 2: Ang ikinahigpit lang nito ay sa Rhyme Scheme ng VILLANELLE na AB lang ang ginagamit. Kung hindi sinabi sa tuntunin na puwedeng gamitin ang malakas at mahinang katinig ay tanging, kung ano ang ginamit sa A at B ay 'yon lang sa buong tula ang gagamitin.
}

{
2. TUGMAANG GANAP

Ang tugmaang ganap ay tugmaang gumagamit ng pare-parehong PATINIG-KATINIG sa huling pantig ng mga salitang gagamitin sa isang saknong. Minsan nakakalito rin dahil puwedeng ipagpalagay na idagdag ang tuntunin ng tuldik/diin (malumay at mabilis) o mahina at malakas na katinig na parehong katinig lang din ang ginagamit. Suriin ang halimbawa sa ibabâ.

AAAA
Am
Ám
Ám
Am

AAAA BBBB CCCC DDDD
Am Ál An Ang
Ám Ál Án Áng
Ám Al An Ang
Ám Al Án Ang

Note 1: Ang halimbawa sa AAAA ay sinadyang lagyan ng tuldik/diin para ipakita na hindi nito masasaklaw, kung muli, ay hindi ito nabanggit sa tuntunin at AAAA lamang ang inilagay na Rhyme Scheme.

Note 2: Ang halimbawa sa ABCD ay nasa grupo ng mahinang katinig, ngunit hindi pa rin ito masasaklaw ng Mahina o Malakas na grupo liban na lamang kung ito ay nabanggit sa tuntunin.
}

{
3. Mahina - mga salitang nagtatapos sa (L, M, N, NG, W, R, Y) at
Malakas - mga salitang nagtatapos sa (B, K, D, G, P, T, S)

Ang tugmaang ito ay tinatawag ding di-ganap na tugmaan ngunit hindi ito ang tamang tawag sa kanila. Kung ang ganap ay gumagamit ng pare-parehong PATINIG-KATINIG sa huling pantig, ang mahina at malakas naman ay gumagamit ng parehong PATINIG ngunit magkaiba ang KATINIG sa huling pantig na naaayon sa kung anong grupo ito nabibilang. Suriin ang halimbawa sa ibabâ.

AAAA
Man or Min
Nang Nil
Lam Lim
Sal Sin

ABAB or AABB
Al Ang
Im Ang
An Ing
Il Ing

ABAB CDCD EFEF
Al Ong It
Im Ung Ap
An Ong It
Il Ung Ap

AAAA BBBB CCCC DDDD
In Ar Un Om
Il Aw Un Or
In Ay Ul Om
Il Ang Ul On

Note: Ang malakas at mahina na grupo ay pareho lamang ng sinusunod na tuntunin. Puwede ring idagdag sa tuntunin nito ang malumay at mabilis na tuldik/diin pero dapat mabanggit parin ito sa tuntunin.
}

{
4. TULDIK

Ito ang pagtutugma ng mga salita ayon sa diin. Ang diin ng salita ang nagsasabi kung ito'y malumay, malumi, mabilis o maragsa o kung ang salita'y may impit o walang impit.

Ngunit, paano nga ba makikilala kung ang salita ay may impit o wala?

Pag-aralan at unawain ang apat na uri ng salita ayon sa diin (malumay, malumi, mabilis, maragsa)

Malumay - mga salitang binibigkas nang banayad o marahan, walang impit sa huling pantig. Hindi ginagamitan ng tuldik.
Hal:
mahinay, balakid, pasakit, larawan, mainam
a*o, tabako, masyado, martilyo, abogado, mestiso, palikero, papaya, dalaga

Malumi - mga salitang binibigkas nang banayad o marahan, may impit sa huling pantig ng salita. Ginagamitan ng tuldik na paiwa sa ibabaw ng patinig ng huling pantig.
Hal:
wikà, lawà, diwà, talì, labì, sapì, lutò, birò, palò, pakò (nail)

Mabilis - mga salitang binibigkas nang mabilis, walang impit sa huling pantig ng salita. Ginagamitan ng tuldik na pahilis sa ibabaw ng patinig ng huling pantig.
Hal:
alís, tahíd, kiskís, panís, walís, wakás, sabláy, talóng, itlóg, sahóg, bahóg
libró, ngiló, waló, limá, dalawá, tatló, silbí, tindí

Maragsa - mga salitang binibigkas nang mabilis, may impit sa huling pantig. Ginagamitan ng tuldik na pakupya sa ibabaw ng patinig ng huling pantig.
Hal:
walâ, gawâ, mithî, sawî, malî, ngitî, likô, sampû, dugô

Tandaan:
* Ang malumay at malumi ay parehong binibigkas nang banayad o marahan, ang malumay ay walang impit sa huling pantig, ang malumi ay may impit sa huling pantig.

* Ang mabilis at maragsa ay binibigkas nang mabilis, ang mabilis ay walang impit sa huling pantig, ang maragsa ay may impit sa huling pantig.

ANTAS NG TUGMAANG TULDIK/DIIN

A. KARANIWAN— ito ang unang antas ng tugmaan, mga salitang magkakatugma na maaaring malumay x mabilis, malumi x maragsa.

Halimbawa:

bigo (maragsa)
biro (malumi)
tagpo (maragsa)
tulo (malumi)

sidhi (maragsa)
tali (malumi)
tagni (maragsa)
sipi (malumi)

Note: Ang porma ng Tulang Karaniwan ay hindi mababago. Hindi puwede maghalo ang Malumay sa Malumi at Maragsa (vice-versa) gano'n din ang Mabilis sa Malumi at Maragsa. Ang Rhyme Scheme na angkop dito ay ABAB//ABAB CDCD EFEF so on sa tugmaang tuldik/diin.

B. TUDLIKAN — ito ang ikalawang antas ng tugmaan. Dito, ang mga salitang magkakatugma ay dapat na may iisang diin lamang sa buong saknong:
malumay sa malumay,
mabilis sa mabilis,
malumi sa malumi,
maragsa sa maragsa.

Halimbawa:
tulâ, akdâ, kathâ, talâ
biyayà, tilà, tamà, hulà
saló, daló, hustó, tuksó

Note: AAAA at ABCD naman ang Rhyme Scheme nito.

*Hahayaan o lalaktawan ko nalang ang ikatlo at ikaapat na antas sapagkat mahirap na ito isali pa sa WRICON pero puwedeng pagsasanay dito sa SSTT.

C. PANTIGAN— Sa antas na ito, bukod sa bigkas, isinasaalang-alang din ang pagkakapare-pareho ng dulong PATINIG-KATINIG (PK) at KATINIG-PATINIG (KP) ng mga pinagtutugmang salita.

Halimbawa:

mu/tà, ba/tà, hi/tà, batu/tà
palikp/ik, hal/ik, pit/ik, bal/ik
bil/óg, dul/og, luh/og, unt/og.

D. DALISAY — Sa antas na ito, bukod sa pagkakapare-pareho ng bigkas at huling PK o KP, isinasaalang-alang din ang pagkakatulad ng PATINIG bago ang HULING PATINIG ng mga pinatutugmang salita.

Halimbawa:
m/álo, b/álo, s/álo, t/álo
t/ulá, b/ulá, p/utlá, d/ulá
m/it/hî, s/id/hî, b/in/hî, pala/i/hî.
}

{
5. TUGMAAN sa IMPIT

Sa tugmaang ito, ay pinaghalo ang malumay at mabilis, malumi at maragsa at naging iisang tugmaan nalang. Nagtutugma sila sa mayroong impit (malumi at maragsa) at walang impit (malumay at mabilis). Ang apat na Tuldik/Diin ay naging dalawa nalang. Tugmaang Patinig lamang ang ginagamit dito at walang pormang sinusunod katulad ng Tulang Karaniwan.

WALANG IMPIT

Kinabibilangan ng malumay at mabilis na parehong walang impit. Malalaman mong walang impit ang isang salita kung kaya mo itong bigkasin nang may “h” sa dulo. Suriin ang halimbawa sa ibabâ.

AAAA
sílya
niyá

bása

AAAA BBBB CCCC
mó sintá silbí
akó matá tindí
sinó sayá wíli
anó bása manatíli

Note 2: Pansinin din na kailangang iisa ang patinig na gamit sa huling pantig na ginamit sa pagtutugma.

Tugma ang 'ako' at 'sino' dahil pareho ang patinig sa huling pantig, at hindi naman tugma ang 'ako' at 'tindi' kahit pareho silang walang impit.

MAY IMPIT

Kinabibilangan ito ng malumì at maragsâ. Malalaman mong mayroong impit ang isang salita kung káya mo itong bigkasin nang walang “h” sa dulo. Suriin ang halimbawa sa ibabâ.

AAAA
badhâ
wikà
lawà
tugmâ

AAAA BBBB CCCC
sapì yugtò akmâ
labì kulô badhâ
salapì gintô akalà
sawî dugô biyayà

Note 2: Pansinin na kahit magkaparehong patinig ang huling pantig sa mga salita na ginamit, kung hindi sila parehong nagtatapos sa may impit o walang impit, ay hindi pa rin sila magkatugma.

Halimbawa, pakinggan mo lang: 'tugmâ' at 'sayá'. O kaya 'babaé' at 'labì'. Hindi magkatunog. Hindi magkatugma.

MAY IMPIT + WALANG IMPIT
ABAB or AABB // ABAB CDCD EFEF
babae babae
sidhî silbí
silbí sidhi
sapì sapi

Note 1: Simple lang ang tuntunin nito. Ang A sa AB ay walang impit. Ang B sa AB ay may impit o puwede ring magkabaliktad.

Note 2: Ang ABAB CDCD EFEF naman ay puwede ka*o pahirapan ng pag-iisip ng mga salitang gagamitin.
}

{
Kaunting trivia sa AAAA na Rhyme Scheme.

Kung AAAA lang ang Rhyme Scheme at maraming saknong ang hinihingi, Monorima ang tawag sa kalalabasan nito na iisang tunog lang mula sa una hanggang sa huling saknong. Suriin ang halimbawa;

Pamagat: “SISILIP DIN ANG BIYAYA”
Ni: Anaclito Ramirez Acosta

Lungkot ay aninag sa tulalang mukhâ,
isipa'y 'di maganda, mga nakakathâ.
Ramdam ang lungkot sa kawawang likhâ,
anong magagawa ng gaya mong dukhâ?

Huwag iisiping ika'y mag-isá,
kahit pa maubos ang laman ng bulsá.
Anumang pagsubok lagi lang kakasá,
isiping may kapwa na iyong kaisá.

Sa problema ikaw ay makakalayà,
sabayan ng dasal at magpaubayà.
Matatapos din ang iyong pagkasuyà,
at makakamit din ang mga biyayà.

Nakagawa ka man ng pagkakasála,
hindi dahilan ng sayang naantála.
Sa iyo'y laging may nakakaalála,
kahit hindi tayo gaanong kilála.

Note: sa halimbawang ito ay ABCD sa tugmaang tuldik/diin pero kung Basic Rhym Scheme ay AAAA lang ito o Monorima. Mayroon din itong ika-tatlong antas ng tugmaang tuldik/diin, ang Tulang Pantigan.
}

{
Isa pang tugmaan na hindi nabanggit dito ay ang Tugmaang Sesura o Midrhymes.

Ito ay ang pagtutugma ng mga salita na katulad ng tugmaang nasabi sa itaas na ginagawa sa gitnang bahagi ng mga taludtod sa isang saknong. Pansining mabuti ang nasa halimbawa:

Pamagat: SUBOK SA PANDAMA
Pangalan: Lucie Mendoza Tabao

Subukang tumawa huwag nang malungkot,
Una’y umalagwa sa hapdi at kirot,
Maging maginhawa umiwas sa yamot,
Yakap sa asawa ang magpapalimot.

Subukang sumigaw na ugat ay banil,
Aks'yon ay galawgaw may ungol at angil,
Galit ay bagawbaw usig di mapigil,
Nang hibang bumitaw may luhang ga-butil.

Subukang umiyak dahil dinadaya,
Hirap na sinabak may samo’t pithaya,
Bigat na tinahak sana’y makalaya,
Makamit ang pilak at mga biyaya.

Subukang magalit sa mga tiwali,
Huwag kang didikit kung gawa ay mali,
Sila’y mang-aakit na sala’y ikubli,
‘Di magpapasakit kahit ka tumili.

Note: sa halimbawang ito ay ABCD sa tugmaang tuldik/diin. Mayroon din itong ika-tatlong antas ng tugmaang tuldik, ang Tulang Pantigan. At ang tinutukoy na tugmaang sesura o midrhymes. Hindi ito masyadong kailangan pero nakakadagdag ito ng indyog sa pagbibigkas.
}

At d'yan nagtatapos ang mahabang pag-aaral na ito, na ang tamang pinakabatayan ng lahat ay dapat banggitin o sabihin kung ano ang tugmaang gagamitin para hindi nagkakagulo at nagkakaunawaan ang lahat. Kung may katanungan o suhistyon o puna sa tugmaang ginamit (kung may mali) ay malugud kung tatanggapin at sasagutin sa comment section ng post na ito para sa ikauunlad at pagkakaintindihan ng nakakarami.

Maraming salamat

Admin Jo.

Chaw!

Want your business to be the top-listed Gym/sports Facility in Cavite?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Telephone

Website

Address

Lot 76 Block 4 Phase I Boston Heights Subdivision, Brgy. Toclong, Kawit
Cavite
4104