10/05/2026
PROTEKSYON SA PAKYAWAN WORKERS,
Suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang magbibigay ng mas malinaw na proteksyon sa sahod ng mga “pakyawan workers” o mga manggagawang binabayaran batay sa dami ng natatapos na trabaho.
Kabilang si Cayetano sa mga lumagda sa Senate Bill No. 82 o “Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act” na inakda ni Senator Raffy Tulfo.
Layunin umano ng panukala na matiyak na hindi bababa sa umiiral na minimum wage ang matatanggap ng mga pakyawan workers kahit output-based ang kanilang sistema ng bayad.
Ayon kay Cayetano, dapat umanong maprotektahan ang dignidad ng mga manggagawa at mabigyan sila ng patas na oportunidad para umasenso.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang mga employer na tiyaking sumusunod sa minimum wage law ang pasahod sa mga pakyawan workers alinsunod sa Republic Act No. 6727.
Ipinag-uutos din dito ang pagsasagawa ng Time and Motion Study bago magpatupad o magbago ng piece-rate system upang matiyak na tama ang batayan ng bayad sa manggagawa.
Kailangan ding magsumite ng aplikasyon ang employer, manggagawa o unyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board para sa pagbuo ng opisyal na Piece-Rate Orders.
Nakasaad din sa panukala ang dalawang random inspection kada taon upang mabantayan ang aktuwal na kondisyon ng mga manggagawa at matiyak ang pagsunod sa labor standards.
May nakalaan ding parusa laban sa mga employer na mapatutunayang nang-aabuso, kabilang ang underpayment at hindi pagbibigay ng benepisyo.
Giit pa ni Cayetano, hindi sapat ang maliit na dagdag-sahod lamang at kailangan ng mas matapang na hakbang upang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga manggagawang Pilipino.
10/05/2026
MILYONG MULTA NAKOLEKTA
Halos ₱12-milyon na multa ang nakolekta ng kapulisan mula sa mga indibidwal sa Central Luzon na umano’y lumabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa at patakaran.
Batay sa ulat ng Police Regional Office III (PRO-3), umabot sa 102,014 indibidwal ang nahuli mula Abril 6 hanggang Mayo 7, 2026 sa ilalim ng Safer Cities Program ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa nasabing bilang, 29,767 ang nahuli dahil sa paglabag sa batas trapiko, 28,937 dahil sa pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, 21,092 na menor de edad ang lumabag sa curfew, habang 16,024 naman ang nahuling pagala-gala sa kalsada nang walang sapat na dahilan.
Ayon sa PRO-3, nasa 31,705 indibidwal ang pinatawan ng multa na umabot sa kabuuang ₱11,935,789, habang 70,309 naman ang binigyan ng babala at pinalaya matapos mapangaralan.
Sinabi naman ni Brig. Gen. Jess Mendez, regional director ng PRO-3, na patuloy pang paiigtingin ng kapulisan ang police visibility at pagsasagawa ng checkpoints upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga komunidad.
10/05/2026
BAWAL ANG SAGABAL
Nagsagawa ng road clearing operation ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bayan ng San Simon kamakailan.
Kabilang sa mga tinanggal at nilinis ang mga nakatambak na construction materials sa gilid ng kalsada, mga signages ng iba’t ibang establisyimento na halos umaabot na sa mismong daanan, at mga kagamitan ng ilang vulcanizing shops na bahagyang sumasakop sa kalsada.
Ayon sa DPWH, layunin ng operasyon na mahigpit na ipatupad ang mga umiiral na batas at ordinansa upang mapanatili ang kaayusan, maiwasan ang sagabal sa daloy ng trapiko, at masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at residente.
09/05/2026
TULONG SA DIALYSIS PATIENTS
Mahigit 4,000 na Kapampangan dialysis patients ang tumanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development at Kapitolyo ng Pampanga nitong Biyernes, Mayo 8.
Personal na pinuntahan nina Governor Lilia Pineda at Vice Governor Dennis Pineda ang mga pasyente at kanilang pamilya sa magkakahiwalay na distribution activities sa Lubao, Magalang, Mexico, at Apalit.
Bawat pasyente ay tumanggap ng tig-₱4,000 financial assistance mula sa DSWD, at kalahating kaban ng bigas mula sa Kapitolyo.
Ibinalita rin ni Governor Pineda na patuloy ang pagpapagawa ng mga ospital at iba pang medical facilities sa buong lalawigan upang mas mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Kabilang dito ang itinatayong ospital sa Apalit, bagong district hospital sa Bacolor, at mga nakatakdang groundbreaking ng mga ospital sa San Luis at Arayat.
09/05/2026
MCC SA TOP UNIVERSITY WORLDWIDE
Pasok ang Mabalacat City College (MCC) sa Top 500 ng World Universities Rankings for Innovation (WURI) 2026 matapos makamit ang ika-271 pwesto sa buong mundo at maging pangalawa sa buong Pampanga.
Ayon sa pamunuan ng kolehiyo, malaking pag-angat ito mula sa kanilang nakaraang ranking at patunay ng lumalawak na pagkilala sa MCC sa pandaigdigang larangan ng edukasyon at inobasyon.
Nagpasalamat ang MCC sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan ng Mabalacat sa pangunguna nina Mayor Geld Aquino at Vice Mayor Jun Castro, gayundin sa pamumuno ni College President Sonny N. De Guzman.
Kinilala rin ng paaralan ang naging ambag ng Office of External Affairs sa ilalim ni Vice President Jennyfer N. Merza at ng Office of Research and Extension Services na pinamumunuan ni Vice President Glen S. Nolasco sa pagpapalakas ng pananaliksik, inobasyon, at community engagement ng institusyon.
Binigyang-diin ng MCC na sumasalamin ang pagkilalang ito sa patuloy nitong pagsusulong ng dekalidad, inklusibo, at makabagong edukasyon para sa mga mag-aaral at komunidad.
09/05/2026
PAALALA KONTRA VI**RA, BAWAL NA TABLETA
Nasita ang apat na menor de edad matapos mahuli umanong nagbebenta ng mga regulated na gamot kabilang ang Vi**ra at iba pang hinihinalang ipinagbabawal na tableta sa Angeles City.
Kasama rin sa nasita ang isang babaeng nasa hustong gulang na umano’y sangkot sa ilegal na bentahan ng gamot nang walang kaukulang permit at reseta.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, naaktuhan umano ang mga menor de edad na nag-aalok ng Vi**ra, mga tinaguriang “yellow pills,” at iba pang hindi pa matukoy na gamot sa isinagawang monitoring operation.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Angeles City Tourist Information and Visitors Engagement (ACTIVE), Women and Children Protection Desk (WCPD), City Health Office (CHO), at City Sanitary Office upang sitahin at kausapin ang mga sangkot.
Ipinaalala ng mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng regulated na gamot nang walang reseta, sanitary permit, at business permit.
Ayon sa lokal na pamahalaan, maaari ring maharap sa kaukulang kaso ang mga sangkot dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng mga gamot at paglabag sa umiiral na health regulations.
Binigyang-diin naman ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang patuloy na kampanya laban sa ilegal na bentahan ng mga gamot upang maprotektahan ang publiko, lalo na ang mga kabataan.
Hinimok din ang publiko na maging mapagmatyag at agad i-report sa mga awtoridad ang kahina-hinalang bentahan ng gamot sa kanilang komunidad.
09/05/2026
𝐋𝐈𝐅𝐄𝐒𝐓𝐘𝐋𝐄 𝐀𝐆𝐄𝐍𝐃𝐀 | Esme Restaurant
introduces new menu for Mother’s Day
Esme Restaurant is rolling out a new menu that offers creative takes on Kapampangan and Filipino comfort food in celebration of Mother’s Day.
Located in Barangay Cabetican in Bacolor, just a few minutes from the City of San Fernando, the budding restaurant continues to showcase innovative dishes that blend local flavors with Asian-inspired twists.
Part of the upcoming menu is the Tokwa’t Baboy Salad Pie Tee, a flaky bite-sized pastry packed with the familiar savory flavors of tokwa’t baboy.
The Fried Itik Wraps features meticulously deboned duck meat wrapped with fresh vegetables and paired with a sweet and savory sauce.
The well-loved Filipino comfort food sinigang is also given a flavorful twist through the Lechon Kawali TomYum, which combines the familiar sourness of sinigang with the rich and spicy flavors of Thai Tom Yum broth.
Meanwhile, the Esme Orchard Salad with Calamansi Vinaigrette, one of the restaurant’s signature dishes, offers a refreshing mix of fresh and organic ingredients, including lettuce, kale, cucumber, mango and watermelon.
The Salmon Pancit Canton brings a fresh take on the Filipino celebration staple, while the Nasi Goreng combines the flavors of the Southeast Asian favorite with the distinct taste of the Filipino classic binagoongan.
The dessert selection is equally memorable with the Tibok-Tibok Pie Bar, Ube Revel Bar, and a creative version of Inutak Halo-Halo.
Guests can also enjoy various pastries, refreshing drinks, traditional Kapampangan dishes, tamarind juice, and classic chocolateng batirol.
The restaurant also prioritizes freshness in every dish by partnering with local farms and growers for its ingredients.
According to Felix Asuncion, who leads a full crew in curating the new menu, the launch of their new offerings is a tribute to mothers.
“Mother’s Day is special for us because we want to honor mothers through food. They were the first to nourish us with love at the table, and this menu is our way of celebrating them,” Asuncion said.
He added that the restaurant will continue developing dishes that appeal not only to families and women, but also to younger generations and adventurous diners. 𝙏𝙀𝙓𝙏 𝘽𝙔 𝙆𝙖𝙧𝙤𝙡 𝙅𝙞𝙣
09/05/2026
ILIGAL NA TOYOAN SA SAN FERNANDO
Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang aabot sa ₱30 milyong halaga ng umano’y ilegal na produktong toyo at kagamitan matapos salakayin ang isang pabrika sa Barangay Sta. Lucia, San Fernando.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ipinatupad ang search warrant dahil sa umano’y paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 na nagbabawal sa paggawa at distribusyon ng food products na walang pahintulot mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Kabilang sa mga nakumpiska ang iba’t ibang processing equipment, storage tanks para sa paghahalo ng produkto, steam boilers, filters, machinery, at 25 lalagyan ng concentrated soy extract at soy sauce products na may tatak na “Mr. Cook.”
Ayon kay Robert Rodriguez Morico II, hindi umano rehistrado sa FDA ang mga nasabing produkto habang wala rin umanong rehistro sa Department of Trade and Industry ang mismong manufacturing facility.
Babala ni Morico, posibleng malagay sa panganib ang kalusugan ng publiko dahil hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA ang mga produktong ibinebenta.
Inaresto sa operasyon ang isang lalaking kinilalang si “Aldo,” residente ng Sta. Lucia, na umano’y nagpapatakbo ng naturang pasilidad.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa sa pangunguna ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit katuwang ang CIDG Regional Field Unit 3 Special Operations Team, Police Regional Office 3 Special Operations Group, at San Fernando City Police Station.
08/05/2026
PA-BDAY NI VICE GOV SA PWD
Mahigit 600 PWD gradeschool students at kanilang mga magulang ang ipinasyal kamakailan sa Pradera Islands Theme Park bilang bahagi ng birthday treat ni Vice Governor Dennis Pineda para sa mga batang may kapansanan sa lalawigan.
Mismong si Governor Lilia Pineda o “Nanay” ang sumama sa mga bata upang makipag-bonding at tiyaking masaya at maayos ang kanilang naging karanasan sa buong araw.
Iba’t ibang aktibidad ang naranasan ng mga bata at kanilang mga magulang kabilang ang thrilling rides, float parade, lights show, at fireworks display.
Bukod sa pasyal, tumanggap din sila ng pagkain at hygiene kits.
08/05/2026
PAMPANGA WOMEN POWER
Nagtipon para sa isang larawan ang ilan sa mga maimpluwensiyang babaeng lider sa Pampanga, kabilang sina dating Pangulo at 2nd District Representative Gloria Macapagal Arroyo, Governor Lilia Pineda, at 4th District Representative Anna York Bondoc.
Kasama rin sa larawan si Agnes VST Devanadera, presidente at CEO ng Clark Development Corporation.
Ayon kay Bondoc, kuha ang nasabing larawan sa selebrasyon ng kaarawan ni Vice Governor Dennis Pineda na ginanap kamakailan sa Royce Hotel and Casino.