Wesleyan University-Philippines Sports Development

Wesleyan University-Philippines Sports Development

Share

Contact information, map and directions, contact form, opening hours, services, ratings, photos, videos and announcements from Wesleyan University-Philippines Sports Development, Sports, Wesleyan University-Philippines, Cabanatuan City.

08/05/2026

LATHALAING PAMPALAKASAN | Pagbangon at Dominasyon

Dinala sa liksi at bilis ang laban, kaya’t ang mga kabalyero ang nanaig sa girian.

Sa mundong tila natatabunan ng popularidad ng basketball at volleyball ang ibang isports—may mga kwento pa rin ng pagbangon at tagumpay na dapat bigyang pansin. Isa na rito ang ipinamalas ng Wesleyan Knights’ Paddlers matapos dominahin ang Table Tennis event sa PRISAA Regionals 2026.

FROM ZERO TO HERO

Mula sa pagkabigo noong nakaraang taon matapos hindi makasungkit ng kahit anong pwesto sa podium, pinatunayan ng estudyante ng 2nd year Bachelor of Science in Nursing (BSN) na si Carl Louie Edades na kaya niyang mangislap sa mundo ng Table Tennis matapos kalawitin ang gintong pwesto sa Men’s Singles.

KATAS NG HINDI UMAAYAW

Sa isang pribadong panayam kasama ang Genre, ibinahagi ni Edades kung paano niya ginamit ang nakaraang pagkatalo bilang inspirasyon.

“Para sa akin, yung pagkatalo ko sa Bulacan ginawa kong inspirasyon para magpursige sa training para makabawi ngayong taon. Ayun, naging worth it naman,” ani Edades.

“Masayang-masaya sa pakiramdam. Gaya nga ng sabi ko, ginawa kong inspirasyon iyon para makabawi—at doble pa ang balik dahil naka-ginto,” dagdag pa niya.

BAGITO NGUNIT DELIKADO

Samantala, hindi rin nagpahuli ang 1st year BSN student na si Rizlin Joseph Marin. Sa kabila ng pagiging bagito sa collegiate level, nakipagsabayan siya sa matitinding manlalaro ng Rehiyon Tres.
Isang kapanapanabik na laban ang nasaksihan sa Championship Round nang kapwa Wesleyan Knights ang nagharap sa finals kung saan sumiksik si Marin sa ikalawang baitang ng podyum.

“Pinagpursigihan namin sa team talaga na mag-training nang mag-training—maging consistent. So, masaya ako tsaka nakaka-fulfill ‘yung ganoon na accomplishment na WU-P vs WU-P ang naglaban sa finals”, ani Marin nang tanungin ito kung kumusta ang pakiramdam na parehong galing sa kanyang unibersidad ang nagtagisan sa championship.

Panghuli, ang impresibong perpormans naman ng Kaela Diana Prinsipe-Faith Romantico duo at Jose Marco Marin-Ejay Cervantes tandem ang naging pamunong piyesa upang selyuhan ang dominasyon ng Wesleyan nang sungkitin ang pilak na medalya sa Women’s Doubles at tanso naman sa Men’s Doubles

Ang kwento ng Wesleyan Knights ay talagang matatangi – mula sa wala sa podium, ngayo’y sila na ang nagdidikta kung sino ang may karapatang umupo sa trono.

Ulat ni Froilan Roi Cantor
Dibuho ni Dan Enero
Layout ni Clark Alonzo


08/05/2026

LATHALAING PAMPALAKASAN | Bawang sa Bundok, Tagumpay sa Court

Bago pa man magsimula ang laban, may isang kakaibang detalye na sa gilid ng court ng WU-P Knights Women’s Volleyball Team—hindi ito bagong strategy o playbook. Isang simpleng bagay na hindi inaasahang magiging bahagi ng kanilang kwento sa PRISAA Regionals 3. Sa gitna ng kompetisyon, ang ganitong maliit na detalye ay minsang nagiging simbolo ng samahan.

Ayon sa mga manlalaro, nagsimula ang lahat bilang biro sa loob ng koponan. Isang paraan upang maibsan ang kaba at pressure bago pumasok sa laro. Sa kalaunan, ito ay naging bahagi ng kanilang routine sa bawat laban.

“Naging inside joke na rin siya sa amin. Kapag kinakabahan kami, may magsasabi, ‘nasaan na ‘yung bawang?’ Tapos tatawa na lang kami,” ani ng team captain.

Mas naging kakaiba pa ang detalye nang ibahagi ng ilan sa kanila ang pinagmulan nito. Hindi umano ito basta-basta binili, kundi may sariling kwento. At sa bawat laro, tila may ritwal na silang sinusunod.

“Yung bawang namin, hindi galing sa palengke—galing pa sa bundok. Bawat isang butil ng bawang nakaipit sa sports bra namin every game,” pagbabahagi ng isa sa mga manlalaro.

Sa kabila ng ganitong gawain, nilinaw ng kanilang head coach na wala itong kinalaman sa kanilang paniniwala bilang koponan. Para sa kanya, bahagi lamang ito ng pagpapalakas ng loob ng mga atleta. Hindi ito kailanman naging basehan ng kanilang performance.

“Wala naman kaming paniniwala na ganiyan kaya hinayaan ko lang sila,” pahayag ni Coach Ivan Dexter B. Tecson. “Kaya sinasabi sa amin ng mga kalaban namin na mambabarang daw kami.”

Habang umiinit ang kompetisyon, hindi rin naiwasan ang mga haka-haka mula sa ibang koponan. Ang simpleng biro ay naging usap-usapan at binigyan ng ibang kahulugan ng kanilang mga kalaban. Ngunit sa loob ng WU-P Knights, nanatiling malinaw ang kanilang pinanghahawakan.

Ang kanilang tagumpay ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin. Ito ay bunga ng mahabang paghahanda at masusing training na pinagdaanan ng bawat miyembro ng koponan. Isang proseso na hindi madaling tinahak ngunit buong pusong naisakatuparan.

“One year preparation ang ginawa namin…’yung planadong training program, at isa pa, ‘yung sakripisyo ng mga bata na gumising ng maaga,” ani Coach Tecson.

Dagdag naman ni Team Trainer na si Arcel Santiago, “Gumigising 'yung mga bata ng alas-kuwatro ng umaga para makapunta sa eskwelahan, tumatakbo sila nang napakatagal na oras para lang makuha namin 'yung gano’n katagal na laro.”

Sa loob ng isang taon, hinubog ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng disiplina at consistency. Hindi lamang pisikal na lakas ang kanilang pinaghirapan kundi pati ang mental toughness at teamwork. Ang bawat ensayo ay nagsilbing pundasyon ng kanilang performance sa aktwal na laban.

Malinaw ang naging resulta ng kanilang paghahanda nang dominahin nila ang torneo. Isa sa mga pinakamalaking patunay nito ay ang kanilang malinis na record—isang bagay na hindi nila nagawa noong nakaraang taon.

“Undefeated kami ngayong PRISAA, compared last year na sa championship lang kami natalo,” dagdag pa ni Coach Tecson.
Sa kabila ng kanilang tagumpay, hindi naging madali ang bawat laban. Dumaan ang koponan sa iba’t ibang pisikal na pagsubok habang nagpapatuloy ang kompetisyon. May mga pagkakataong kinakailangang lampasan ang sakit upang makapagpatuloy.

“Hindi talaga maiiwasan na may magpapatig ang katawan, and sometimes may mga pinupulikat na. Pero since mayroon naman kaming mga tapes and liniments para at least ma-lessen ‘yung sakit ng mga bata,” paliwanag ng coach.

Ang mga ganitong sitwasyon ay sumubok sa tibay ng bawat manlalaro. Kinailangan nilang mag-adjust at magtiis upang mapanatili ang kanilang performance sa bawat laro. Sa kabila nito, hindi sila nawalan ng focus sa kanilang layunin.

Ayon sa isa sa mga manlalaro, ang kanilang samahan ang naging sandigan nila sa mga ganitong pagkakataon. Ang tiwala sa isa’t-isa ang nagtulak sa kanila upang magpatuloy. Hindi nila hinayaang manaig ang pagod at sakit.

“May mga araw na gusto mo nang huminto, pero hindi mo magawa dahil sa team mo,” ani ng isang atleta.

Sa bawat laro, makikita ang kanilang disiplina at organisadong galaw sa loob ng court. Ang kanilang komunikasyon at teamwork ay naging malinaw na bentahe laban sa kanilang mga katunggali. Ito ang nagbigay sa kanila ng kumpiyansa hanggang sa finals.

Sa huli, nagbunga ang kanilang pagsisikap. Nasungkit ng WU-P Knights Women’s Volleyball Team ang gintong medalya sa PRISAA Regionals 3—isang tagumpay na hindi lamang para sa kanila kundi para sa buong komunidad.

“In history, yes, first time mag-champion sa indoor court ng volleyball women’s,” pagbibigay-diin ni Coach Tecson.

Sa kabuuan, maaaring maalala ng ilan ang kwento ng bawang bilang kakaibang bahagi ng kanilang kampanya. Ngunit para sa koponan, ito ay simbolo lamang ng kanilang samahan at pagpapalakas ng loob. Hindi ito ang dahilan ng kanilang panalo.
Ang tunay na nagdala sa kanila sa tagumpay ay ang kanilang paghahanda, sakripisyo, at pagkakaisa. Sa PRISAA Regionals 3, pinatunayan ng WUP Knights na ang disiplina at determinasyon ang tunay na susi sa ginto.

Sa likod ng tagumpay na ito ay ang mga atletang bumuo ng WUP Knights Women’s Volleyball Team—sina Halle Ann Esquivel (2nd year), Ashley Ladores (2nd year), Debbie Jean Dagasdas (3rd year), Hannah Mendoza (1st year), Jeanell Melgarejo (1st year), Liezel Morales (4th year), Dennise Mateo (4th year), Shane Adanza (2nd year), Altheia Bautista (1st year), Myca Bustamante (1st year), Lianna Samin (1st year), Andrea Soriano (1st year), Micah Dacanay (3rd year), at Gemma Melosantos (4th year)—mga manlalarong nagbigay ng kanilang oras, lakas, at dedikasyon upang makamit ang gintong medalya.

Ulat ni Grachelle Reyes
Larawan mula sa CASDO
Dibuho ni Clark Alonzo


08/05/2026

LATHALAING PAMPALAKASAN | Pilak na Medalya, Gintong Inspirasyon

Sa mundo ng palakasan, karaniwang nasusukat ang tagumpay sa kulay o dami ng medalyang naiuuwi–tagumpay na nauukit sa manlalaro, coaches at unibersidad na nairepresenta. Subalit, para sa Men’s Volleyball Team ng Wesleyan Knights, hindi ito ang kanilang basehan ng panalo, bagkus ang katatagan ng loob, sakripisyo at mga nabuong pagkakaibigan at memorya sa tuwing makikipagdigma sa labas ng tahanan. Ito ang kanilang sariling representasyon ng katagang “kami ay nagwagi.”

Kinapos man sa gintong medalya, matagumpay nilang naiparada ang bandera ng Wesleyan Knights sa katatapos lang na PRISAA 2026 sa Olongapo City. Hindi pa din umuwing luhaan ang MVT nang magkasya sa pilak na medalya makaraang yumukod sa ngayong four-peat champs na Systems Plus College Foundation (SPCF), 3-0, sa finals showdown.

Gayunpaman, nanatiling nakataas ang noo ng mga pambato sa kanilang naging kampanya sa ngayong edisyon ng regional meet. Mula sa non-podium finish last year, nakasikwat ng pwesto ang mga kalalakihan–bunga ng determinasyon ng kanilang sarili. Ngunit, hindi din naging madali ang kanilang lakbayin patungong sa iniuwing karangalan. Puno ng disiplina at pagsasanay upang mapalakas ang kanilang pisikal na kakayahan at mentalidad–sa tulong na din ng kanilang tigagabay.

“Physically, may program ‘yung coaches namin kung paano palalakasin ‘yung bawat aspects sa katawan namin at kung paano pa hahasain ‘yung skills na mayro’n kami,” ani ng isang manlalaro. “Mentally naman po, every tune-ups kapag may dikdikan na laban doon na-te-test at mas nahahasa ‘yung mental toughness namin through the game,” dagdag niya.

Hindi lang nakikipaglaban sa loob ng court ang mga players bagkus pati pag-apak sa labas ng court–ito ang pagsabayin ang pagiging estudyante at atleta. Gayunpaman, nanaig ang pagmamahal sa dalawang aspeto ng buhay lalo na sa mga fourth year students na sabay na hinaharap ang kanilang on-the-job training, paghahanda sa board exams at pag-eensayo na mithing tularan sila ng mga kasamahan.

“Gusto po namin makita na i-idolize nila kami pagdating sa time management. Mahirap po talagang i-manage ‘yung time namin kasi galing kami sa OJT na pagod na pagod, tapos may Saturday class pa kami na mock board exam at pagkatapos no’n, may training at mga tune-ups pa,” ayon sa captain ball at graduating student na si Aldrin Sarangaya.

Ipinapamalas ng kanilang karanasan na ang pagiging atleta ay hindi lamang nasusukat sa husay sa laro, bagkus nakatuon din din sa disiplina, responsibilidad, at sakripisyong ginagawa araw-araw upang mapanatili ang balanse sa buhay.

Para sa Knights, ang bawat pawis na tumutulo sa court ay hindi lamang para sa panalo kundi para sa karangalang dala nila para sa kanilang paaralan. Maaaring hindi man nila nasungkit ang gintong medalya, ngunit nananatiling mataas ang kanilang pangarap bilang isang koponan. Sapagkat hindi lamang sa kung sino ang mayroong hawak ng pinakamalaking tropeyo o pinakamakinang na medalya ang rason ng pagiging tunay na kampeon, kundi mayroong tapang na bumangon, magpatuloy, at maniwalang darating din ang araw ng kanilang panahon.

Ang pilak na medalya ngayon ang siyang magiging gintong inspirasyon para sa mas malaking tagumpay bukas.

Ulat ni Christian Vidad
Larawan mula sa CASDO
Dibuho ni Clark Alonzo


08/05/2026

LATHALAING PAMPALAKASAN | Sa Indak ng Paa, Tagumpay ay Tanaw

Sa bawat paggalaw ng paa at pagpitik ng katawan, determinasyon at dedikasyon ang natatanging sandata ng dalawang pares na nagpatunay ng husay at nagbigay ng karangalan sa kanilang larangan. Sa tinagal-tagal ng pagsisikap, pag-eensayo, at tiyaga—nakamit nila ang mga medalyang minsa’y pinangarap.

Sa ginanap na Regional Private Schools Athletic Association (PRISAA) 2026, tampok sina Maria Karylle Lazaro, isang mag-aaral ng Bachelor of Science in Accountancy, at Gilbert Pascua Jr., mula sa Bachelor of Science in Nursing, sa kategoryang Latin. Dahil sa kanilang kumpiyansa at husay sa entablado, nagpakitang-gilas sa Samba, Cha-cha, Rumba, Paso Doble, at Jive ang magka-tandem, dahilan upang makamit nila ang Grade A Gold, na magdadala sa kanila sa National PRISAA.

Mangiyak-ngiyak si Lazaro nang kaniyang ibahagi ang kaniyang experience sa larong dancesport, sapagkat ito na ang kaniyang pangalawang beses na sumali sa paligsahan at ito rin ang unang beses na makakuha ng mga medalya. “Sobrang unexpected po kasi since last year, sumabak ako sa laban na hindi talaga ready tapos ngayon po nakakuha kami ng gold,” ani ni Lazaro. Hindi lamang ito basta simpleng pagsali sa isang kompetisyon sapagkat galak at maraming aral ang matatamasa ng bawat isa.

Sa mundo ng dancesport, hindi sapat na marunong ka lamang sumayaw; kinakailangan dito ang tiyaga, tibay, at walang sawang pagsasanay. “S’yempre po nung umpisa nag-drills po kami para ma-enhance ‘yung foot works at ‘yung cardio namin, and after po no’n nag-routine na kami, ‘yung training po namin dito nag i-start kami morning or afternoon and matatapos na po kami 1 am,” sabi ni Pascua.

Talaga nga namang hindi biro ang puspusang paghahanda sa isang kompetisyon. “After po no’n, s’yempre hindi pa rin makakapag pahinga kasi mag-aaral din po,” dagdag ni Pascua, kasama ng hirap at pagod ang sakripisyo dahil sabay nitong binabalanse ang pagiging isang estudyante at pagiging atleta.

Samantala naman sa kategoryang Standard, namayani naman sina Mikea Genylle B. Bernarte, isang mag-aaral ng Bachelor of Science in Medical Technology, at Kiel Marco Fajardo mula sa Bachelor of Science in Nursing. Ipinamalas nila ang kumpas ng bawat galaw, emosyon, at disiplina sa kanilang pag-indak sa Slow Waltz, Tango, Viennese Waltz, Foxtrot, at Quickstep. Nakamit naman nila ang Grade A Silver at patuloy din na makikipagtalastasan ng galing sa National PRISAA.

Ibinahagi rin ni Fajardo ang hirap na kanilang pinagdaanan sa kanilang pag-eensayo. Para sa kanya, hindi naging madali ito ngunit puno ng saya ang naging experience nila. “‘Yung laban po namin ni Mikea, very challenging din talaga kasi it’s our first time din. Si Mikes lang din po kasi may background sa amin sa dance sport and wala po akong background, kaya naging mahirap din po sa part namin,” ani ni Fajardo. Sila ma’y mga baguhan sa larangang ito, hindi sila nabigong maipakita ang kanilang kakayahan. Sinubok man sila ng maraming beses, sila pa rin ay hindi nagpatinag sapagkat kanila pa ring nasungkit ang Silver na medalya.

Panibagong hamon sa dalawang pares ang kakaharapin nila sa nalalapit na National PRISAA. Sa pagkakataong ito, hindi lamang sila mahusay na haharap sa entablado kundi mas mahusay at mas matatag nilang muling kakaharapin ang entablado. Lahat ng nakamit nila ay bunga ng kanilang paglalakbay.

Sa kabila ng hamon ng pagod at oras, matinding sakripisyo ang kinakailangan. Isang kuwento ng mga atleta na may inspirasyong bitbit; hadlangan man ng mga pagsubok, posible pa ring magtagumpay kung ang bawat isa’y determinado, may dedikasyon, at may pagmamahal sa ginagawa.

Sa huli, ang tagumpay na kanilang nakamit ay hindi lamang para sa kanilang sarili, klase, departamento, at unibersidad kundi nagsisilbi itong inspirasyon para sa lahat. Matapos man ang kompetisyon, hindi ito matatapos sa pagbibigay ng inspirasyon sa lahat ng nangangarap.

Ulat ni Trixia Argarin
Larawan mula sa CASDO
Dibuho ni Clark Alonzo


08/05/2026

LATHALAING PAMPALAKASAN | Sa Likod ng Bawat Sipa: WU-P Taekwondo Team, Nagkampeon sa PRISAA Regionals 2026

Hindi lamang lakas ng katawan ang kailangan upang magtagumpay sa laban ng taekwondo. Higit sa lahat, kinakailangan ang disiplina, paghahanda, at tibay ng loob. Ito ang pinatunayan ng Taekwondo Team ng Wesleyan University-Philippines matapos masungkit ang gintong medalya sa Private Schools Athletic Association (PRISAA) Regional Meet, na nagbigay ng karangalan sa kanilang pamantasan.

Isa sa mga naging sentro ng tagumpay ng koponan ay si Ifeoma Odinkachi Ezeigwe, kapitan ng Women’s Taekwondo Team at gold medalist mula sa BSN 4-3. Ayon sa kanya, nagsimula ang kanilang paghahanda sa pisikal na kondisyon at tamang timbang ng bawat atleta. “Sa physical aspect, may mga target weights kaya nag-effort talaga para mag-lose at mag-gain ng weight,” aniya.

Malaki rin ang naging papel ng mental preparation, lalo na sa responsibilidad na ipagtanggol ang kanilang titulo. “Pinush namin yung sarili namin kasi sa Women, overall na kami last year kaya kailangan naming i-defend ‘yung title,” dagdag ni Ezeigwe.

Hindi rin naging madali ang pagsabay ng pagiging atleta at estudyante. Ayon kay Franchesca Rubi Ramos, gold medalist mula sa BSA 2-4, mahirap balansehin ang academics at training. “Minsan nagsasabay ‘yung duties, trainings, quizzes at activities kaya talagang challenging,” pagbabahagi niya.

Samantala, ibinahagi naman ni Carlos Juvan Isidro, kapitan ng Men’s Taekwondo Team at gold medalist mula sa BS Crim 3-1, ang kanilang naramdaman matapos ang laban. “Masaya at fulfilled kasi pinaghirapan talaga namin. Worth-it lahat ng pagod at sacrifices,” wika niya.

Malaki rin ang naging papel ng kanilang mga coach na sina Johann Ocampo, Gerika Larize Ocampo, at Jonathan Cartagena, na patuloy na gumabay sa koponan sa kanilang paghahanda.

Sa huli, ang kanilang tagumpay ay hindi lamang simbolo ng panalo, kundi patunay ng disiplina, pagkakaisa, at dedikasyon ng mga atletang estudyante ng Wesleyan University-Philippines.

Ulat ni Zyleen Caisip
Larawan mula sa CASDO
Dibuho ni Clark Alonzo


08/05/2026

LATHALAING PAMPALAKASAN | Sa Tabla ang Entablado

Ang chess ay isang isport na hindi nakatuon sa kung gaano kabilis o kaliksi ang isang manlalaro, bagkus sa kung gaano katalas ang kaniyang isipan. Isa itong "ultimate mind sports," sabi nga ng iba, dahil utak nga naman talaga ang puhunan dito. Isang isport na sinusukat ang memorya, kalkuladong galaw sa bawat piyesa, at mga tusong estratehiya na siyang paraan upang patumbahin ang kani-kanilang kalaban. Katulad na lang ng pinamalas na bagsik ng WU-P men’s and women’s chess players na siyang hinirang na mga kampeon at nag-uwi ng gintong medalya sa Regional PRISAA 2026.

“Hindi pa ako nag-aaral dito, puro champion na [sa chess] ang Wesleyan,” pinagmamalaking sinabi ni King Arckie Bactol, kasalukuyang team captain ng men’s chess. Kasama rin niya sina Frenz Jeremy Ramos, Aldwayne Pineda, Renz Rangcapan, at Ivan Justine Pajarillaga na bumuo ng men’s chess team. Kung ating matatandaan sa nakalipas na taon, ang WU-P men’s chess din ang nakoronahan bilang kampeon, at dahil sa kanilang galing na ipinakita ngayong taon, sila muli ang naghari sa dalawang magkasunod na pagkakataon. Idinagdag din ni Bactol na nais din daw niyang ipagpatuloy ang nakasanayan ng Wesleyan na pagdomina at pagiging kampeon sa chess; gayundin, gusto rin nilang tumugon sa inaasahan ng mga kapwa estudyante at ibang Wesleyan chess men players.

Gayunpaman, sa likod ng maningning na panalo, hindi ito basta-basta nilang nakamit. Inamin ng men’s chess team na hindi nila natatambakan ang kalaban at sadyang dikit ang mga labanan, kaya’t ang bawat laro ay sadyang pahirapan. Tunay na mahirap ang laban, dahil hindi lang kilos at mga piyesa nila ang kailangang bantayan; pati ang kilos at piyesa ng kalaban. Kailangan nilang alamin ang galaw ng kanilang katunggali bago sila tumira. Kung padalos-dalos sila, baka sa bitag mapunta ang kanilang pinakamalakas na piyesa o ma-mate ang hari nila.

Sa kabilang banda naman, kinoronahan ding kampeon at nagreyna ang WU-P chess women ngayong PRISAA 2026. Bagaman naunsyami na makamit ang gintong medalya at naluklok sa ikalawang puwesto sa nakaraang taon, ngayon sila ay nagbalik at binawi ang trono na para sa kanila. Ayon sa panayam kay Micah Serrano, kasalukuyang team captain ng women’s chess, “Dahil po iyon sa training talaga, saka ‘yung sobrang desidido ng mga girls na malano, tapos makinig din po… Lalo na sobrang strict ng coach namin and nagco-comply po kami sa mga ginagawa niyang pag-tra-training po sa amin.” Kasama rin ni Serrano sa pagkapanalo sina Claire San Jose, Lianne Mae Gutierrez, Tanya Gambito, at Kristine Ador Dionisio na bumuo naman ng women’s chess team. Masugid at matinding pag-eensayo man ang pinagdaanan nila, ito pa rin ang siyang naging rason na nagbunga ng gintong medalya na nakamit ng women’s chess team.

“Jeremiah 33:3 — Call unto me, and I will answer thee, and shew thee great and mighty things, which thou knowest not. Tumawag kami kay God, and God will help us na be-bestow ng knowledge sa amin para magtagumpay sa laban namin." Iyan ang sambit ni Serrano at ang bersikulo na pinanghahawakan ng buong WU-P chess team.

Sa nalalapit na pagdating ng National PRISAA 2026, panibagong laban at pagsubok ang muli nilang kakaharapin. Nagsisimula na rin silang mag-ensayo muli bilang team sa pamamagitan ng patuloy na training, mga puzzle, online chess games, at pakikipagtunggali sa kung sino man ang marunong mag-chess upang mas mahasa ang talas ng kanilang isipan. Sa loob ng ilang linggo, muli silang sasabak sa paligsahan ng chess habang buong galak na nirerepresenta ang Rehiyon III. Muling matitimbang ang kanilang angking husay kung saan ang katunggali na nila ay nagmula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

Ulat ni Rosette Ramos
Larawan mula sa CASDO
Dibuho ni Clark Alonzo


Photos from Wesleyan University-Philippines Sports Development's post 16/02/2026

𝐃𝐀𝐘 𝟏 𝐕𝐈𝐂𝐓𝐎𝐑𝐘 𝐔𝐏𝐃𝐀𝐓𝐄 | 𝐏𝐑𝐈𝐒𝐀𝐀 𝐏𝐫𝐨𝐯𝐢𝐧𝐜𝐢𝐚𝐥 𝐆𝐚𝐦𝐞𝐬 𝟐𝟎𝟐𝟔 🔥

A strong and dominant opening for the 𝓦𝓮𝓼𝓵𝓮𝔂𝓪𝓷 𝓤𝓷𝓲𝓿𝓮𝓻𝓼𝓲𝓽𝔂 𝓟𝓱𝓲𝓵𝓲𝓹𝓹𝓲𝓷𝓮𝓼 𝓚𝓷𝓲𝓰𝓱𝓽𝓼 at the PRISAA Provincial Games 2026! ⚔️💚💛

Here are the current standings of our proud Knights:
🏐 𝐌𝐞𝐧’𝐬 𝐕𝐨𝐥𝐥𝐞𝐲𝐛𝐚𝐥𝐥 𝐓𝐞𝐚𝐦 – 🥇 TOP 1 in their bracket
🏀 𝐌𝐞𝐧’𝐬 𝐁𝐚𝐬𝐤𝐞𝐭𝐛𝐚𝐥𝐥 𝐓𝐞𝐚𝐦 – 🔥 Undefeated, 2–0
🏓 𝐌𝐞𝐧 𝐚𝐧𝐝 𝐖𝐨𝐦𝐞𝐧 𝐓𝐚𝐛𝐥𝐞 𝐓𝐞𝐧𝐧𝐢𝐬 𝐓𝐞𝐚𝐦 – 🥇 TOP 1
🏸 𝐌𝐞𝐧 𝐚𝐧𝐝 𝐖𝐨𝐦𝐞𝐧 𝐁𝐚𝐝𝐦𝐢𝐧𝐭𝐨𝐧 𝐓𝐞𝐚𝐦 – 🥇 TOP 1

Your hard work, passion, and fighting spirit continue to bring pride and honor to our university. This is just the beginning—let’s keep the momentum going, Knights! ⚔️

𝙍𝙞𝙨𝙚. 𝙁𝙞𝙜𝙝𝙩. 𝘾𝙤𝙣𝙦𝙪𝙚𝙧. 𝙒𝙐𝙋 𝙆𝙣𝙞𝙜𝙝𝙩𝙨!

𝗚𝗿𝗮𝗽𝗵𝗶𝗰 𝗯𝘆: Mk Piadozo

Want your business to be the top-listed Gym/sports Facility in Cabanatuan City?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Category

Website

Address


Wesleyan University-Philippines
Cabanatuan City
3100