27/05/2026
In the surge of local vloggers that may bring us the latest trends and fads, our stronghold of reliable and credible public information will always rest in the work of journalism.
Kudos and thank you Radyo Pilipinas Jolo!
Mabuhay ang mga mamahayag na Tausug!
𝐁𝐔𝐃 𝐓𝐔𝐌𝐀𝐍𝐓𝐀𝐍𝐆𝐈𝐒, 𝐏𝐀𝐍𝐒𝐀𝐌𝐀𝐍𝐓𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐈𝐒𝐀𝐒𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐀𝐍𝐔𝐌𝐀𝐍𝐆 𝐇𝐈𝐊𝐈𝐍𝐆 𝐀𝐂𝐓𝐈𝐕𝐈𝐓𝐘
Positibo ang naging tugon ng lokal na pamahalaan ng Indanan at ng Barangay LGU ng Tumantangis sa panawagan na pansamantalang itigil ang hiking activity sa Bundok Tumantangis [Bud Tumantangis]. Bukod sa pagiging pinakamataas na tuktok ng Sulu, itinuturing din ito na matatag na pagkakilanlan at simbolo ng lalawigan.
Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya, pinangunahan ni Fatimatuzzahra A. Abdulmajid, founder ng Tausug Outdoors, ang panawagan na ito bilang respeto sa komunidad ng Tumantangis. Bagama't hindi pa ramdam ang epekto ngayon, kung magpapatuloy ang pag-abuso sa bundok, tiyak na mararamdaman hindi lamang ng barangay kundi pati na ng buong probinsiya ang epekto ng iresponsableng aktibidad sa kabundukan.
Ang proaktibong panawagang ito ay nag-ugat matapos ang pagtangkilik ng publiko sa hiking bilang recreational activity sa probinsiya, partikular sa Bundok Tumantangis, na dati ay halos imposibleng akyatin dahil sa problema sa seguridad.
Kanila mismong nasaksihan nitong Linggo, 24 Mayo 2026, ang mga aktibidad na hindi dapat ginagawa ng isang responsableng hiker, kabilang dito ang:
1. Pagsigaw sa itaas o habang nasa trail, na maaaring makagambala sa tirahan ng mga hayop gaya ng ibon;
2. Pagdala ng mga pagkain sa itaas, na bukod sa mag-iiwan ng basura, limitado rin ang palikuran na matatagpuan lamang sa isang detachment ng sundalo;
3. Pagsira sa mga sanga at pag-ukit sa mga punong kahoy; at
4. Ang sobrang dami ng mga nagtutungo sa itaas sa loob lamang ng isang araw.
Bagama't ang Tausug Outdoors ang nagpakita ng posibilidad ng mga recreational activity tulad ng hiking sa Sulu, dahil sa kakulangan sa regulasyon at disiplina ng ibang hiker, naapektuhan ang likas na yaman ng bundok. Aminado silang bilang isang business operator, sila ang unang maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara.
Binigyang-diin ni Abdulmajid na hindi lamang nila tinitingnan bilang negosyo o isang pasyalan ang Tumantangis, kundi isang katuwang sa pagsulong at pag-unlad. Sa ngayon, panawagan nila ang pagkakataon para sa bundok na maghilom at muling sumigla.
Nararapat ding maintindihan ng publiko na hindi lamang ito "highest peak." Isa rin itong proteksyon ng probinsiya mula sa kalamidad at isang mahalagang palatubigan.
Sa pansamantalang pagsasara ng Bud Tumantangis nawa'y maging hakbang para sa lokal na pamahalaan ng Indanan na makabuo ng mas komprehensibong panuntunan para sa hiking. Sa ganitong paraan, magiging bukas muli ito sa publiko nang hindi nasasakripisyo ang kalikasan at nagkakaroon ng oportunidad ang mga mamamayan ng barangay.
Ang Tausug Outdoors ay nagsimula noong 2025. Bukod sa aktibidad gaya ng hiking, bahagi ng kanilang community engagement ang pagtulong sa Women's Cooperative ng Tumantangis, na sumasalamin sa adbokasiyang mapatatag ang lokal na komunidad at mapanatili ang kapayapaan at pag-unlad ng lugar.
Courtesy: Tausug Outdoors