09/11/2026
*Iisang usapan: Ano nga ba ang sukatan ng pagiging Macho?*
Mahigit 400 kalahok ang nakiisa sa webinar na “Machong May Respeto: Usapang Lalaki, Malasakit, at Pananagutan” noong November 6, 2026. Inihandog ito ng PECCI Gender and Development (GAD) Committee bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Men’s Day sa November 19, 2026.
Pinangunahan ang talakayan ni Kenneth Dale C. Villarin, MSc, RPsy, isang licensed clinical psychologist at Deputy Director of Clinical Services ng Naluri Philippines. Siya rin ang Psychology Program Head sa National Teachers College.
Mula sa pamilyar na linyang “Magpakalalaki ka!”, napag-usapan kung paano nakadaragdag ng bigat ang mga inaasahang laging matatag ang lalaki, siya ang dapat sumagot sa lahat ng pangangailangan ng pamilya, at dapat sarilinin niya ang problema. Ipinakilala ni Kenneth ang pakikipagkapwa bilang gabay sa positibong pagkalalaki. Nakikita ito sa pakikinig, pagdamay, paghingi ng tulong kapag kailangan, at pag-ako sa epekto ng ating mga salita at kilos.
Bilang mga Ka-PECCI, maisasabuhay natin ito sa maliliit na paraan. Kumustahin ang kaibigang tahimik lately at makinig nang walang panghuhusga. Maging patas sa paghahati ng responsibilidad sa bahay at sa trabaho. Kapag ginagawang biro ang kapansanan ng isang tao, puwede nating sabihing, “Huwag nating gawing biro ’yan.” Sa mga pagtitipon, magtanong din kung anong suporta ang kailangan para makasali ang lahat.
Maraming salamat sa ating resource speaker at sa bawat Ka-PECCI na nakibahagi. Sa bahay, sa trabaho, at sa ating kooperatiba, ang tunay na lakas ay may respeto, malasakit, at pananagutan.